Pinasinayaan na ng Department of Science and Technology (DOST) -MIMAROPA, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque, Office of the House Representative of Marinduque, at ng Marinduque State College (MSC), ang kauna-unahang MIMAROPA Regional Science Centrum sa noong ika—18 ng Abril ngayong taon.
Ginanap ito sa MSC kung saan nakalagak ang Science Centrum na mayroong 35 interactive exhibits na nagpapakita ng iba’t-ibang konseptong pang-agham. Pinangunahan ni Dr. Diosdado P. Zulueta, Presidente ng MSC, ang nasabing inagurasyon. Aniya, nagkakaisa ang DOST, pamahalaan sa lalawigan ng Marinduque, at ang sektor ng akademya upang iangat ang kamalayan ng mga mag-aaral sa MIMAROPA sa pamamagitan ng infrastructure development program tulad ng pagpapatayo ng Science Centrum. “Kaya po talagang napakainam na ang DOST, local government, at nang ating congressman, ay talagang nagkakaisa, at siyempre sumusunod tayo sa akademya, sapagkat sila talaga ang makatutulong sa atin, para palaguin ang Marinduque.”
Ayon naman kay Dr. Ma. Josefina P. Abilay, Regional Director ng DOST-MIMAROPA, isa sa mga nakikita nilang hamon sa kanilang rehiyon ay ang kakulangan ng oportunidad na maranasan ng mga kababayan nito ang ganda at hiwagang hatid ng siyensya sa pamamagitan ng mga exhibits. Dagdag pa niya, halos dalawang dekada na ang lumipas nang huling bumisita ang Sci Fun Caravan Science Centrum sa lalawigan pero kanya pa ring naaalala kung papaano tinangkilik ng mga estudyante at guro ang mga exhibits na dala nito. “This shows that science facilities like the science centrum can help increase the appreciation and understanding of science, technology, and innovation among the general population.”