Muling inaanyayahan ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga Overseas Filipino Workers na mag-apply sa Innovations for Filipinos Working Distantly from the Philippines o i-FWD PH

Ang iFWD PH ay naglalayong mabigyan ng oportunidad ang mga OFW na makapagtayo ng sarili nilang technology-based na negosyo. Ito na ang pangalawang taon na ilulunsad ng DOST ang programang ito sa rehiyon ng MIMAROPA.

Sa unang taon ng iFWD PH sa rehiyon, umabot sa mahigit 20 OFWs ang nakapagtapos sa Phase 1 o Core Business Development kung saan tinulungan sila ng magkaroon ng mas malalim na kaunawaan sa pagpapatayo ng negosyo. Ang mga nakapagtapos na ito ay kasalukuyan nang isasalang sa Phase 2 o ang Innovation Funding for the Technology based enterprise kung saan tutulungan sila ng DOST-MIMAROPA na magkaroon ng mga makabagong teknolohiya para sa ikauunlad ng kanilang sinisimulang negosyo. Ilan lamang iyan sa mga serbisyong nakapaloob sa iFWD PH!

Gusto mo bang mag-apply?

Maaaring sumali sa programa ang mga umuwi sa PIlipinas sa huling tatlong (3) taon at walang kasalukuyang kontrata sa ibang bansa. Kung may kontrata man ay mayroong isang miyembro ng pamilya na makapagpapatuloy ng pag-aaral, pagtatag, at pamamahala ng negosyo. Kung ang aplikante ay may kapansanan o kailangang bumalik sa ibang bansa para magtrabaho, dapat maipagpatuloy ng kapamilya ang mga naiwang sesyon ng programa.

Upang maging kwalipikado bilang isang technology-based na negosyo, dapat magkaroon ito ng aspeto ng agham at teknolohiya. Ang mga sumusunod ay ang mga prayoridad na sektor:

  • Food processing (ie. sweet preserves, spreads, bottled food products, beverages, etc.)
  • Furniture making (ie. chairs, tables, cabinets, etc.)
  • Gifts, housewares, decors (ie. tailored products, leathergoods, souvenirs, other creative products)
  • Agriculture, marine and aquatic resources (ie. farming, poultry, livestock, horticulture, hydroponics, etc.)
  • Metals and engineering (ie. fabrication of food processing equipment, farm implements, or agrimachinery, welding, ads and signages)
  • Health and pharmaceuticals (ie. health and wellness products, medicines, food supplements)
  • ICT/Electronics (ie. systems development, automation, manufacturing of electronic products)
  • Science and Technology (S&T) Services (ie. engineering consultancy, IT consultancy)

Kung mayroon nang naisip na negosyo, maaari mong ipakita ito kasabay ng pagpasa ng aplikasyon. Sa kabilang banda, kung wala pang naiisip na negosyo, maaari ka pa ring mag-apply at pag-aralan ang mga teknolohiya mula sa ahensya.

Para sa mga interesadong sumali, maaaring pumunta sa website link na ito: https://ifwdph.dost.gov.ph/. Maaari ding tumungo mismo sa pinakamalapit na Provincial Science and Technology Center sa inyong lugar. Para sa karagdagang katanungan, bumisita sa Facebook page ng DOST-MIMAROPA o tumawag sa numerong 8837-3755 o magpadala ng email sa official@mimaropa.dost.gov.ph.