Dahil sa kanyang puso para sa edukasyon, sinimulan ni Kyle David Atienza isang dating DOST Scholar at ngayo’y lisensaydong guro mula sa Marinduque ang “The Street Classroom”, isang volunteer organization na naglalayong makapagbuo ng mga support systems para sa mga bata at matandang Pilipinong pumapasok at walang kakayanang pumasok. Sa tulong ng mga support systems na nabubuo sa The Street Classroom, ang mga mag-araal na hindi nakakapasok sa eskwelahan ay naihahanda sa tulong ng non-formal education gaya ng pagtuturo ng values formation at personality development. May mga pagkakataon din na sa pamamagitan ng The Street Classroom ang mga mag-aaral ay naipapasok sa at alternative learning system o ALS.

Para kay Kyle, ang pagiging isang DOST Scholar ang nagbigay daan para lumalim ang kanyang pagpapahalaga sa edukasyon at paglago ng The Street Classroom. Sa loob ng isang taon mabilis ang pagbibigay ng tiwala ng iba’t ibang pampubliko at pampribadong organisasyon sa kanyang adbokasiya. Ang The Street Classroom ay naitanghal sa CNN Philippines bilang “Good Juan” at pinarangalan ng TAYO Awards Foundation Inc. bilang iisang accomplished youth organization sa MIMAROPA.  Sa ngayon, katuwang na ng The Street Classroom ang DSWD-4Ps, DOST-MIMAROPA, DepEd-Marinduque, at iba pang pribadong organisasyon. 

Dala ng kahirapan at pagkakaroon ng di buong pamilya, malaki noon ang kanyang naging pangarap para sa sarili, ina at kapatid; at maging sa kanyang lolo at lola na kanyang naging pangalawang magulang sa mga panahong nagttrabaho ang kanyang ina sa ibang bansa para matustusan ang kanilang pangangailangan.

Pinangarap ni Kyle na maging isang beterinaryo ngunit noon ay walang kasiguraduhan ang pagtungtong niya sa kolehiyo.  Ani niya “Natatandaan ko pa noon na nakabalot sa tig-iisang plastic yung benta ng lola ko sa tindahan, at may marking na “pangbayad sa kuryente”, “pangkain”, “baon ni Kyle”, etc. Lahat ng piso-piso na yoon, ginagamit naming para mabuhay”.

Nabuhayan siya ng pag-asa ng magtungo ang DOST-MIMAROPA sa Marinduque National High School upang manghikayat ng mga kabataang nagnanais makapag kolehiyo sa tulong ng DOST Scholarship Program. Nang mapakinggan ang mga benepisyo ng programa, kasama ang libreng tuition, stipend, at iba ibang allowances, ninais ni Kyle na maging isang DOST Scholar. “Ninais kong maging DOST Scholar dahil sa iisang dahilan- yun ay dahil gusto kong makatungtong ng kolehiyo at makapagtapos ng pag-aaral. Di kalaunan ay siya’y nagtagumpay. Kumuha siya ng kursong secondary education.

“Noong una, ayaw ko ng kurso ko na Secondary Education. Gusto ko kase talagang maging veterinarian, ngunit dito ko rin nalaman na malaki pala ang problema ng bansa at maaring makatulong ako bilang DOST Scholar at bilang isang ganap na guro. Sa tulong ng DOST, nabigyang buhay ko ang panagarap na makapaglingkod sa bayan at sa mga bata.”

Noong 2016, 3rd year si Kyle ng hagupitin ng bagyong Nina ang Marinduque. Nilipad ang kanilang bahay ng malakas na hangin, at halos walang natira sa kanilang mga kagamitan. Sa pinansyal na benepisyo na nakukuha ng mga DOST Scholar, nagkaroon ng pagkakataon sina Kyle na magsimula muli.  “Isa ito sa mga dagok ko bilang DOST Scholar. Ngunit sa tulong na ibinibigay ng DOST, nabigyan kami ng pagkakataon na mangupahan, na hanggang ngayon ay dito pa rin kami tumitira”

Para kay Kyle, napakamaraming magandang bagay ang dulot ng pagiging isang DOST Scholar, bukod sa mga benepisyo na makakatulong para matustusan ang pagaaral sa kolehiyo, maraming oportunidad ang nabubuksan nito gaya ng mga pagkakataong makalahok sa mga lokal at internasyonal na kumpetisyon. Gayundin, ang mismong titulong DOST scholar ay nagbibigay marka na magaling at mahusay ang isang tao. Nang makatapos bilang isang DOST Scholar, agad-agad siyang nabigyang pagkakataon magsimula sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng pagta- trabaho sa DOST-MIMAROPA bilang Consortium Secretariat ng MIMAROPA Health Research and Development Consortium. Kinalauna’y itinuloy niya ang pagiging guro at naging Special Science Teacher 1 sa Buenavista National High School sa ilalim ng DepEd-Marinduque, ani niya ay isang posisyong nakamtan niya rin sa pagiging isang DOST Scholar.