“Makakapag-kolehiyo pa kaya ako?”, iyan ang naging minsang tanong ni Ethel sa sarili nang makita ang kanyang kapatid na nasa kolehiyo na umiiyak dahil walang sapat na maipang-tustos ang kanyang magulang sa pagaaral nito.

Pangalawa sa walong magkakapatid, sa murang edad ay naranasan na ni Ethel ang kumayod para matulungan ang pamilya. Dahil sa malaking pamilya, kailangan ay doble kayod sa pagta-trabaho sa bukid ang kanyang mga magulang para suportahan ang pang araw-araw nilang pangangailangan. Maging ang kanyang ina ay gumagawa na ng mga gawaing mabigat at panglalaki sa bukid magkaroon lamang ng katuwang ang kanyang ama.

Ang kanyang pamilya ay nabubuhay rin sa pagtitinda ng mga prutas, gulay, lamang-ugat, at paglulukad. Tuwing sabado, apat silang magkakapatid na tumutulong sa kanilang magulang na mamundok upang kumuha ng ipangti-tinda sa palengke. Lampas dalawang oras na lakarin at sugat sa paa at binti dahil sa matatalas na halaman ang kanilang tinitiis para lamang makarating sa bundok. Hindi naging alintana ang mga ito dahil sa pagnanais na makatulong sa pamilya. Gayundin, ang kahirapan ang nagturo sa kaniya ng kahalagahan ng pagsisikap at pag-iimpok.

“Lahat ay aming iniinda para matulungan ang aming mga magulang. “Dala mo, Pera mo”, ang mga katagang sinambit nang aking ama’t ina na nangangahulugang kung ilan man ang maging halaga nang produktong dala mo ay sayo na lahat kung kaya’t mas ninanais pa naming sumama sa kanila kesa magpaiwan sa aming tahanan sapagkat wala ka nang baon wala ka pang maiipon.”

Ayon kay Ethel, maging trabahong lalaki gaya ng paghahakot at paglulupas ng niyog ay kaniya nang ginagawa at naging “routine” na niya sa buhay sa loob ng ilang taon para lamang makapagpatuloy sa pag-aaral.

Nang makatungtong sa ika-apat na antas sa sekundarya ay naging abala ang ina ni Ethel sa paghahanap ng mga scholarship. Isang guro na kanyang nagsilbing tagapayo sa maraming taon ang nagpakilala at nagudyok sa kanya na kumuha ng exam para sa DOST Scholarship Program. Napagtagumpayan niya ito at naging ganap na iskolar sa Marinduque.

Para kay Ethel, maraming pagsubok ang kanyang hinarap sa pag-aaral ngunit nagsusumikap siyang lampasan ito dahil sa takot na mawala ang DOST Scholarship. “Ayokong mawala sakin ang scholarship ko na siyang katumbas nang pagkawala nang aking pangarap kung kaya’t lahat nang paraan para hindi iyon mawala ay akin ginawa sa kabila nang hirap na dulot nito sakin”

Ang pagiging isang DOST scholar kalakip ang mga benepisyo nito ang naging daan para kay Ethel para unti-unting maabot ang kanyang pangarap na makapagkolehiyo. Dahil sa DOST, hindi naging pasakit para sa kanyang pamilya ang gastusin sa kolehiyo bagama’t naging malaking tulong pa ito sa kanila. Bukod sa pagtustos sa kanyang mga gastusin sa pag-aaral ay minsang nakapag-aabot siya ng baon sa kanyang ate kapag kinakapos ito sa allowance. Ani niya, “DOST Scholarship, you saved my life, you saved my dream. Kaya lubos ang aking pagpapasaamat DOST Scholarship Program nawa’y marami pa kayong matulungan na kagaya ko na nangagailangan sa inyo.”

Para sa mga nag-aasam na maging katulad niyang DOST Scholar, isa ang kanyang masasabi “Sa mga nagnanais na maging DOST Scholar sinasabi ko sa inyo na magiging maganda ang pag-aaral nyo kapag naging Scholar kayo…Mabuhay future Scholars!”